Sarili ang pinakamatinding kalaban ni Villar
(Ito’y pagsasalin sa Filipino ng Inggles na artikulo ni G. Amando Doronila na nalathala sa Philippine Daily Inquirer, pahina A1, karugtong sa p. A23, nitong 03 Mayo 2010. Ano mang mali sa salita o konteksto ng pagsasalin ay pawang gawa ng tagasalin, hindi ng orihinal na may akda.)
Lalong napabilis ang pagbagsak ni Manuel Villar sa mga “poll ratings” nang nakaraang dalawang linggo nitong buwan ng Abril nang sumabog ang dalawang isyu na nakaperhuwisyo sa kampanya niya sa pagka-pangulo.
Ang una ay ang ulat noong Abril 23 na naglagay raw ng presyur si Villar sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Stock Exchange (PSE) noong Mayo at Hunyo, taong 2007, para mapakawalan ang mga “nakaipit” na “shares of stocks” (mga sapi sa pag-aari ng kumpanya) ng mga “real estate companies” ni Villar para ang mga iyon ay maibenta sa publiko.
Ang ikalawang isyu ay nagmumula naman sa mga ulat noong Abril 8 tungkol sa isang diumano’y “psychiatric report” tungkol sa katinuan ng isip ng kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party, si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, na lumabas naman na peke pala, at pinakawalan ng mga masisigasig na mga boluntir at taga-suporta ni Villar.
Ang ulat na ito ay ibinato sa hapag ng media habang pasadsad naman nang panahong iyon ang poll ratings ni Villar. Ang paglalathala ng pinekeng report na ito sa TV, radyo, at diyaryo ay nagsisilbing tanda ng pagsadsad naman ng 2010 halalan para sa pangulo tungo sa pinakamababang uri ng siraan at maruming pangangampanya.
Ang mga pangyayaring ito ay may kinalaman sa pagbagsak ng “ratings” (o marka) ni Villar at ang paglawak ng agwat ni Aquino sa kanya kamakailan, na umaabot na sa hanggang 20 “percentage points”, isang linggo ang natitira bago sumapit ang halalan ng Mayo 10.
Ang mga pangyayaring ito na naging laman ng media ay lalo lang nagpatingkad sa kung ano ang pinakamahalagang isyu nitong halalan: sino ang mapagkakatiwalaang kandidato sa pagka-pangulo na magpapatakbo ng matapat at may-wastong-paninindigang pamahalaan na siyang magiging kapalit ng isang administrasyong korap at nababahiran ng napakaraming iskandalo tulad ng kay Presidente Macapagal-Arroyo.
Ang mga isyu ukol sa integridad, katapatan, at “conflict of interest” (interes na pansarili kontra pampubliko) na itinampok ng media nitong nakaraang dalawang linggo ang nagsisilbing pinaka-tema nitong eleksiyon ng 2010.
Pagbubunyag ni Enrile
Nitong Abril 22, ibinunyag ni Senate President Juan Ponce Enrile sa isang “press conference” ang “minutes”, o talaan ng mga pinag-usapan sa miting, ng PSE noong taon 2007 kaugnay sa Vista Land & Lifescapes, Inc. ni Villar, na nagpapakita na si Villar ay personal na humarap sa isang regular na miting ng PSE board (pamunuan), at nakipag-usap sa isang “caucus” ng pamunuan ding iyon, noong Hunyo 2007.
Bilang resulta ng pag-iimpluwensiya na iyon ni Villar, pinayagan ng PSE board na makakawala sa pagkaka-“escrow” (reglamentong pagtatabi o pagtatago) ang mga “nakatali” na Vista Land shares para maibenta nito ang mga shares sa publiko.
Batay sa opisyal na talaan ng mga naganap, sinasabi ni Enrile na wala siyang duda na si Senador Villar mismo ang “gumapang” at naglapat ng presyur para maaprobahan ang hangarin niyang magkaroon ng “exemption” ang kumpanyang pag-aari ng kanyang pamilya, na siya namang magbibigay-laya sa kanya at sa kanyang pamilya na maibenta ang mga “shares” nito sa mataas na presyo, na kung tutuusin, ay dapat na nakatabi o nakatago pa sa reglamentong panahon na nababawal pang ibenta ang mga shares na tinukoy.
Binanggit ni Enrile ang isyu tungkol sa conflict of interest. Sinabi niya na ang panghihimasok ni Villar ay nagpapakita na itong huli, na direktang nangangasiwa sa kanyang kumpanya, ay lumabag sa batas. “Pinakawalan na sana muna niya ang lahat ng kanyang interes (sa negosyo) bago niya tinanggap ang posisyon bilang senador,” pahayag ni Enrile.
Lirio article
Nalathala naman noong Abril 24 itong artikulo ni Gerry Lirio, reporter ng Inquirer, na nagsisiyasat din tungkol sa panghihimasok ni Villar sa SEC at PSE. Ibinubunyag sa artikulo na tinawagan sa telepono nitong si Villar, habang presidente pa noon ng Senado, ang mga opisyal ng SEC at PSE para mapakawalan nila mula sa pagkaka-“escrow” ang 1.2 bilyon ng 5.3 bilyong “secondary shares” ng Vista Land para maibenta nang sabay ang mga iyon bilang “primary” (pangunahin) at “secondary” (ikalawa) shares, o ‘di kaya, nang hiwalay, ngunit may pagitan ng ilang araw.
Ayon sa ilang abogado ng SEC at PSE na nakapanayam ni Lirio, hindi lamang tumawag sa telepono si Villar, humarap pa ito nang personal sa mga “board” miting ng SEC at PSE.
Si Villar at asawa nitong si Cynthia, kinatawan ng Las Piñas sa Konggreso, ang may pinakamalaking pag-aari ng shares sa Vista Land, ang pangunahing kumpanya ng mag-asawa. Inihayag sa artikulo ni Lirio na lalo pang yumaman ang mag-asawa ng karagdagang P6.75 bilyon, mula sa benta ng ikalawang grupo ng 985.9 milyong mga shares na nangyari noong Hulyo 26, 2007, sa loob ng panahon ng “escrow”, o reglamentong pagtatabi at pagbabawal ng pagbenta ng ikalawang grupo ng shares, 180 na araw mula noong petsa ng pagbebenta ng una, o pangunahing, shares.
Ayon sa mga abogado, ang pagbebentang iyon ay lumalabag sa Article III, Part D, Section 7 ng inamiyendahang “listing rules” (reglamento sa pagbebenta) ng PSE, na nag-aatas ng 180 na araw na “pagtatali” sa pagbebenta ng mga ikalawang shares. Sa madaling sabi, sinasaad ng artikulo, hinangad ni Villar na idaos agad ang pagbebenta ng ikalawang grupo ng mga shares kahit iyon ay nasa loob pa ng panahon ng pagbabawal na binubuo ng 180 na araw. “Hinangad niyang samantalahin ang magandang panahon kung saan mainit pa ang merkado,”, ayon sa artikulo. “At nakamit niya ito.”
Batas sa ‘divestment’ (o pagbibitaw sa mga shares sa mga pag-aaring kumpanya)
Wala namang mali sa kanyang personal na pamamagitan sa PSE, pahayag ni Villar, idinidiin pa niya na ang PSE ay hindi isang ahensiya ng gubyerno, kundi isang pribadong kumpanya. Sinabi pa niya na kumita ang gubyerno ng higit sa P100 milyon bilang buwis mula sa pagbebenta sa publiko ng shares ng Vista Land.
Subalit hindi rin naman totoong tama ang pahayag ni Villar na hindi labag sa batas ang kanyang pamamagitan, o panghihimasok, sa PSE. Nakakaligtaan niya ang Republic Act No. 6713, kilala sa titulong “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” (sa madaling pagsasalin: panuntunan para sa mga lingkod ng gubyerno ukol sa wastong pagganap ng tungkulin at asal sa serbisyo).
Sinasaad sa Section 9 ng RA 6713: “Palagiang iiwasan ng isang opisyal o empleyado ng gubyerno ang pagkakaroon ng “conflict of interest” (pansariling interes kontra sa pampubliko). Kapag nagkaroon ng conflict of interest, nararapat siyang magbitiw sa kanyang posisyon sa pribadong negosyo sa loob ng 30 araw mula sa pagkakaluklok niya sa gubyerno, at / o kaya naman, pakawalan (o bitawan sa anumang legal na pamamaraan, kadalasan, sa pamamagitan ng pagbebenta) ang mga pag-aari niyang shares sa mga kumpanyang pribado sa loob ng 60 araw mula sa naturang pagkakaluklok. Ganito ring reglamento ang ilalapat kung ang opisyal o empleyado ng gubyerno ay ‘partner’ (katuwang sa pagmamay-ari) sa isang “partnership” (mas simple organisasyon kumpara sa isang korporasyon).”
Walang makikitang record o katibayan na nag-“divest” nga si Villar ng kanyang mga shares nang siya’y direktang manghimasok sa PSE at SEC.
Kamakailan lang, tinawag ni Sen. Joker Arroyo ang pansin nito, na hindi maaaring ipagsabay ni Villar ang pagiging senador at ang pagiging negosyante.
Kailangang magpasiya si Villar kung pipiliin niya ang pagiging senador, o ang pagiging negosyante. Ngayon, naghahangad pa siyang maging pangulo ng bansa, na magbibigay sa kanya ng lalo pang higit na kapangyarihan na makapanghimasok sa mga opisyal o pribadong isyu, kumpara sa pagiging senador lang ngayon.
Isyung pang-etikal
Kailangang marinig natin kay Villar kung gagawin nga niya ang pagbibitaw (divestment) niya sa kanyang mga interes (shares) sa kanyang mga kumpanya at mailagay ang mga iyon sa isang “blind trust” (nasa bangko at lihim kung sino ang bagong nagmamay-ari) kung mahalal siya sa pagka-pangulo. Ito’y isang isyung pang-etikal (nang pagiging wasto) na naglalagay sa kanya sa alanganin.
Ang mga panghihimasok niya ay nagpapakita, hindi lamang sa kakulangan ni VIllar sa pang-etikong paninindigan kaugnay sa isyung nagsasabing ‘ang tungkuling pampubliko ay ipinagkakatiwala lamang ng publiko’, kundi naglalantad din sa kanyang mga pamamaraan — bilang isang negosyante na may balabal ng kapangyarihan at impluwensiya ng isang miyembro ng Konggreso ng may 16 taon — sa pagpapalago ng kanyang malawak nang yaman.
Ang mga naturang paglalantad sa peryodiko tungkol sa mga panghihimasok o pang-iimpluwensiya ni Villar ay lalo pang nagbaon sa isip ng mga mamamayan tungkol sa mga isyung etikal kaugnay sa proyektong C-5 extension na inimbistigahan ng Senado at kung saan ninais ng kapulungan na usigin ang kandidatong ito sa pagka-pangulo dala ng kanyang maling asal at gawa.
Ang pagsisiwalat tungkol sa pakikialam ni Villar sa PSE at SEC ay naganap sa panahong nagbubuno siya na malagpasan ang lumalawak na lamang ni Aquino.
Wala nang duda na ang pahabol na pagsulpot ng isyung pang-etikal na ito ay hindi lang nagbigay ng malaking pinsala sa kanyang kampanya. Ito’y nagbigay rin ng pagkakataon kay Aquino upang lalo pa itong maka-arangkada para lumawak ang kalamangan.
Nalulungkot si Villar na siya ngayo’y “lumalangoy sa dagat ng ‘black propaganda’.” Subalit ang kaso ng kanyang mga panghihimasok ay nasusuportahan ng mga dokumentong ebidensiya.
“Self-destruction” (pagwasak ng/sa sarili)
Hindi ito mga pekeng dokumento tulad ng gawa-gawang “psychiatric reports” tungkol kay Aquino.
Ang mga naging reaksiyon ni Villar sa gumuguho niyang “ratings” ay lalo lamang nagpalugmok sa kanya. Nahihilo sa mga suntok na dulot ng mga “surveys”, nangyaring ang kanyang sarili na rin ang siyang naging pinakamatinding kalaban ni Villar.
Ang kanyang mga padalos-dalos at desperadong pagtugon sa situwasyon ay naglalantad lamang sa napakayaman niyang talino sa paggawa ng sarili niyang pagkaguho.
Viewed 7150 times by 2003 viewers
reynz is one Uragon and a Filipino-American, has many years of public accounting & auditing, broadcast investments, housing tax credits and equity investments as his background. Based in the US, he maintains his personal and humor blog at reyna elena dot com. A graduate of Aquinas U, he went to GWU and Temple U in the United States.















Leave your response!